Binaliwala lamang ng basketball superstar na si LeBron James ang pahayag ng ilang mga analysts at maging ng pustahan sa Las Vegas na magkakampeon daw sa pagkakataong ito ang Golden State Warriors.
Sa Biyernes pa gagawin ang Game 1 ng ikatlong sunod-sunod na taon na salpukan ng Cleveland Cavaliers at Warriors sa NBA Finals.
Ayon kay LeBron, hindi na niya ito pinapansin dahil malakas ang kanyang pakiramdam na malaki ang kanilang tiyansa na muling maibibigay niya Cavs ang kampeonato.
“I feel good about our chances,” ani James said. “Very good.”
Aminado si James na malakas talaga ang Warriors lalo na ngayong taon na tinawag pa niyang high powered team.
Pero giit ni LeBron, hindi lang naman ang Warriors ang nagpalakas na koponan kundi maging ang Cavs.
Hindi rin daw nasisindak si LeBron kung star studded pa kung ituring ang Warriors dahil sa pitong beses na niyang pagsabak sa NBA Finals ay hinarap na rin niya ang maraming mga Hall of Famer players at coach.
Kung maalala ang Warriors ay binubuo ng dalawang dating league MVPs na sina Stephen Curry, Kevin Durant, at nandiyan din ang suporta nina Draymond Green at Klay Thompson.
Sagot naman ni James, hinarap na rin niya noon ang Spurs na may apat din na Hall of Famers tulad nina Manu Ginobili, Kawhi Leonard, Tony Parker, Tim Duncan at ang bigating coach na si Gregg Popovich.
Liban sa mga nabanggit, nakalaban na rin daw niya ang mga beteranong sina Ray Allen, Kevin Garnett, Paul Pierce, Rajon Rondo at coach na si Doc Rivers.
Samantala, nagbalik tanaw din si James sa kanyang kontribusyon sa NBA at kanyang magiging legacy.
Kahit papaano umano ay maaalala siya ng mga fans na sa tagal na niya sa kanyang career na hanggang ngayon ay nasa high level pa rin ang inilalaro.
Masaya rin daw siya sa kanyang mga nagawa para sa dalawang magkahiwalay na NBA franchise sa apat na Finals na hindi pa nagagawa ng iba.