-- Advertisements --

Muling gumawa ng mala-pelikulang laban ang magkaribal na NBA superstar na sina Lebron James at Stephen Curry sa banggaan ng Los Angeles Lakers at Golden State Warriors ngayong araw, Abril 4.

Maalalang sa huling tapatan ng dalawa noong December 25, 2024 ay kumamada si Curry ng 38 points habang gumawa naman si Lebron ng 31pts, 10 assists double-double at ibinulsa ng Lakers ang 2-point win.

Sa banggaan ng dalawang koponan ngayong araw, bumawi ang Golden State at ipinoste ang 7-point win laban sa karibal na Lakers.

Muling pinangunahan ng dalawang superstar ang kanilang team kung saan kumamada si lebron ng 33 points at siyam na assists habang 37 points at anim na asissts ang sagot ni Steph.

Nagsilbing second scorer ng dalawang superstar ang dalawang bagitong teammate: 31 points ang ipinasok ni Lakers guard Austin Reeves, habang 28 points ang sagot ni Warriors guard Bandin Podziemski.

Sa unang kalahating bahagi ng banggaan, hawak ng GS ang momentum at sa dalawang unang quarter ay nagawa ng koponan na panatilihin ang ilang puntos na kalamangan. Sa pagtatapos ng 1st half, hawak ng GS ang 13-point lead, 60 – 47.

Unti-unti naman itong binura ng Lakers sa pagsisimula ng 3rd quarter ngunit pinilit din ng Warriors na pigilan ang kalaban. Sa pagtatapos ng ikatlong quarter ay tanging 2 points ang nagawa ng Lakers na burahin, 88 – 77.

Lalo pang naging aggresibo ang lakers sa huling quarter ngunit hindi ito tuluyang nakabawi sa Golden State hanggang sa matapos ang laban sa score na 123 – 116, pabor sa 2022 NBA Champion.

Kung ibabase sa kasalukuyang ranking sa western conference, nasa pang-apat na pwesto ang LAL habang sinusundan naman ito ng GS. Kung mapapanatili ang naturang pwesto, maaaring maglaban ang magkaribal na team sa 1st elimination sa 2025 playoff.