Binigyan na ng “go signal” ng NBA (National Basketball Association) na muling makalaro ang basketball superstar na si LeBron James matapos magpakita ng walong negative results sa kanyang COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) tests.
Dahil dito, inaasahan na muling makakasama ng Los Angeles Lakers si LeBron sa laro bukas kontra sa mahigpit na karibal na Los Angeles Clippers.
Una nang inilagay ng NBA nitong nakalipas na araw si James sa health at safety protocols kasunod ng inisyal na positive results sa COVID-19.
Pero nilinaw na ng NBA na hindi naman talaga nagpositibo sa virus ang 36-anyos na NBA superstar.
Paliwanag pa ng liga, ang inisyal na resulta ay mayroong positive test at mayroon ding negative results sa dalawang magkaibang “PCR” instruments.
Dahil daw sa “conflicting at inconclusive results,” isinailalim muli sa magkakasunod na “RT-PCR” tests ang Lakers star.
Bunsod din nito, nagpahiwatig si James ng kanyang pagkairita sa sistema ng protocols sa pamamagitan ng kanyang social media post.
Kung maaalala noong buwan ng Setyembre, iniulat na rin ni LeBron na nagpaturok na siya ng bakuna laban sa COVID-19.