-- Advertisements --

Tumabo ng season-high 34 points si LeBron James upang akayin ang Los Angeles Lakers tungo sa 113-106 panalo kontra Milwaukee Bucks.

Nananatiling walang talo ang Lakers sa road games, kung saan gumanda pa sa 8-0 ang kanilang kartada.

Umalalay din si Kentavious Caldwell-Pope para sa Lakers nanagpamalas ng 23-point performance tampok ang pitong 3-pointers sa 10 pagtatangka.

Hindi rin nagpaawar si Anthony Davis na kumamada ng 18 points at siyam na rebounds.

Sa panig naman ng Bucks, humagod ng 25 points at 12 rebounds si Giannis Antetokounmpo, na dinagdagan ni Jrue Holiday ng 22 points, at Khris Middleton ng 20.

Ito na ang ikalawang sunod na pagkatalo ng Milwaukee.

Tangan ng Lakers ang 86-81 abanse matapos ang tatlong quarters, at pinalawig pa nila ang agwat sa 96-85 nang ipasok ni Markieff Morris ang 3-pointer nito sa huling 8:42.

Gayunman, nakahabol ang Bucks makaraang magsalpak ng layup si Middleton sa huling 3:05.

Pumukol ng 3-pointer si Alex Caruso upang makalayo ulit ang Los Angeles sa 1:42 natitira.

Matapos ang layup ni Antetokounmpo, nagbaon ng 3-pointer si James upang ibigay sa Lakers ang 111-103 sa nalalabing 1:04.

Hindi na nagawa pa ng Bucks na makahabol.