Nagpasabog ng 31 big points si LeBron James upang bumida sa 117-87 pagtambak ng Los Angeles Lakers kontra sa New York Knicks.
Pero nabahiran ng lungkot ang tagumpay na ito ng Lakers bunsod ng pag-alis ni Anthony Davis sa third quarter ng laro dahil sa masamang bagsak nito.
Batay sa inisyal na pagsusuri, napuruhan ang kanyang sacrum o ang ibabang bahagi ng gulugod nang tangkain nitong supalpalin ang driving shot ni Julius Randle.
Matapos nito, nawalan ng balanse si Davis at masama ang naging bagsak nito sa court sa nalalabing 2:45 sa third.
Bagama’t negatibo ang resulta ng mga X-rays, hindi na nakabalik pa si Davis sa laro.
Maliban kay James, nagdagdag din ng 15 points si Kentavious Caldwell-Pope para sa Lakers, na nakamit na rin ang kanilang ikaanim na sunod na panalo, at ikalawang team na naitala ang ika-30 tagumpay ngayong season.
Umiskor naman ng 19 points si R.J. Barrett para sa Knicks, at may double-double namang 15 points at 10 rebounds si Randle laban sa dati nitong team.
Sa Huwebes, tutungo ang Knicks sa Utah upang tapusin ang kanilang trip, habang nasa Dallas naman ang Lakers sa Sabado.