Muling pinatunayan ni LeBron James na malayong angat ang kanyang laro sa rookie phenom na si Zion Williamson at New Orleans Pelicans nang muling ilampaso ng Los Angeles Lakers, 122-114.
Kahit wala ang Lakers All-Star na si Anthony Davis muling nagpakita si James ng all-around game nang iposte ang panibagong triple double performance.
Nagtala si James ng 34 points, 13 assists at 12 rebounds habang si Williamson ay umeksena pa rin sa kanyang highest-scoring game na 35 points.
Hindi naman naitago ni Lakers coach Frank Vogel ang kanyang pagbilib sa shot-making abilities ni LeBron tulad sa mga turnaround jump shots at maging sa three point areas.
“Obviously, spectacular performance by LeBron James,” ani coach Vogel.
Maging si Zion ay tinawag na “incredible” ang ikalawa nilang match-up ng 35-anyos na veteran player.
Para sa Lakers malaki rin ang naitulong nina Kyle Kuzma na umiskor ng scored 20, Kentavious Caldwell-Pope na may 13 at si JaVale McGee ay nagpakita ng six blocked shots at eight points.
Sa kampo ng Pelicans ang dating Lakers na si Lonzo Ball ay nagtapos sa 19 points, nine assists at nine rebounds.
Sa opening half pa lamang ng laro ay parehong nagpakitang gilas na si James na agad na kumamada ng 19 at si Williamson naman ay umarangkada sa 17 puntos kasama na ang malalakas na dunks.
“We just had to be composed, understanding that they were going to make a run, and just continue to execute, continue to defend,” wika pa ni James sa palitan nang kalamangan ng dalawang magkaribal na team.
Ito na ang ikaapat na panalo ng LA (46-13) laban sa New Orleans (26-34) para ma-swept ang season series games.
Matapos naman ang laro, niyakap ni James ang 19-anyos na si Williamson upang papurihan din sa ipinapakita nitong galing sa loob ng court dahil malayo pa umano ang mararating nito.
Samantala ang next game ng Lakers ay host ito sa Philadelphia sa Miyerkules.
Ang Pelicans naman ay host laban sa Minnesota.