Binanatan ni NBA superstar LeBron James ang NCAA matapos na balaan ng governing body ng US collegiate sports ang gobernador ng California ukol sa panukalang batas na naglalayong mabigyan ng bayad ang mga student athletes sa paggamit sa kanilang pangalan sa anumang uri ng endorsement.
Nitong araw nang makalusot sa California state legislature ang nasabing panukala at kalaunan ay ipinadala nito kay Governor Gavin Newsom.
Una nang hinimok ng NCAA si Newsom sa pamamagitan ng isang liham na huwag nitong pirmahan ang bill dahil sa umano’y pagiging labag nito sa Konstitusyon.
“If the bill becomes law and California’s 58 NCAA schools are compelled to allow an unrestricted name, image and likeness scheme, it would erase the critical distinction between college and professional athletics and, because it gives those schools an unfair recruiting advantage, would result in them eventually being unable to compete in NCAA competitions,” saad sa sulat.
Si James, na una nang naghayag ng suporta sa bill, ay tumugon sa mga ulat hinggil sa nasabing liham.
“Or because of this bill, you can work with everyone to create a national policy that is fair to athletes,” ani James sa isang tweet.
Sang-ayon sa panuntunan ng NCAA, ipinagbabawal ang mga student athletes na bayaran para sa kanilang performance at sa paggamit sa kanilang mga pangalan at imahe.
Batay naman sa lehislasyon, bagama’t hindi papayagan ang mga paaralan na bayaran nang direkta ang kanilang mga atleta, papahintulutan naman ang mga estudyante na makatanggap ng pera mula sa ibang sources, gaya ng sa isang video game company o sa pagpirma ng mga autographs o memorabilia.