Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Quezon city na ligtas mula sa banta ng African Swine Fever ang mga lechon na ibinibenta sa tinaguriang ‘Lechon Capital of the Philippines” sa La loma, Quezon city.
Ito ay matapos kumpirmahin ni QC Veterinary Department inspector Paul Patino ngayong araw ng Huwebes na walang kaso ng ASF o ibang sakit na naitala sa mga baboy na dinadala sa lungsod.
Aniya, nagsasagawa sila ng 24/7 inspection at maiging sinusuri ang mga dokumento gayundin ang kalidad at amoy ng mga baboy para masigurong ligtas kainin ang mga ito.
Siniguro din ng mga nagtitinda ng lechon na hindi apektado ng ASF ang kanilang produkto at ligtas itong kainin.
Samantala, naglagay naman na ng lokal na pamahalaan ng livestock at poultry checkpoints sa lungsod bilang precautionary measure sa pagtugon sa outbreak ng ASF kamakailan sa ibang lugar sa bansa.