-- Advertisements --

Tuluyan nang ibinasura at tinanggihan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang free legal assistance na hirit ni Peter Joemel Advincula na nagpakilalang si “Bikoy.”

Pero paliwanag ng IBP, dumaan sa evaluation ng kanilang National Center for Legal Aid ang request ni Bikoy pero hindi umano nakapasa sa standard ang kahilingan.

Una nang sinabi ng IBP na nagbibigay lang sila ng free legal aid sa mga mahihirap na hindi kayang magbayad ng private lawyers at kapag may basehan ang mga alegadyon.

Maalalang inulan ng batikos ang pagsasagawa ni Advincula ng press conference sa opisina ng IBP.

Si Advincula ay lumutang noong Lunes at inaming siya si Bikoy na nagdadawit sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa illegal drug trade.

Sinabi ni IBP President Abdiel Elijah Fajardo na normal lang naman na isailalim muna sa evaluation ang request ni Bikoy dahil ganito rin ang kanilang proseso tulad sa maraming naunang humiling din ng legal assistance sa kanila.

Samantala iginiit ng IBP 23rd Board of Governors na wala sa kanilang kustodiya si Advincula at hindi rin nila alam kung nasaan na ito ngayon.

Tiniyak naman ng IBP Board of Governors na mananatili silang tagapagtaguyod ng rule of law bilang bahagi ng kanilang mandato na panatilihin ang kasarinlan at kredibilidad bilang organisasyon ng mga abugado sa buong bansa.-