Posibleng managot ang mga legal counsel ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sakaling mapatunayang nakalabas na ito ng Pilipinas nang ihain ang kanyang counter-affidavit sa Commission on Elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, kung totoong umalis ng bansa si Guo nang walang anumang intensiyon na bumalik bakit pa umano humiling ang kanyang legal counsel ng extension mula sa poll body para sa pagsumite ng kanyang counter-affidavit.
Aniya, ito ay contemptuous o insulto pareho sa kapangyarihan ng korte at ng komisyon.
Naniniwala din si Garcia na may kakayahan ang mga abogado ni Guo na magsumite ng counter-affidavit ng kanilang kliyente para hindi maabutan ng itinakdang deadline kahapon, Setyembre 3 kung gugustuhin nila.
Sa ngayon, hindi pa natatanggap ng Comelec ang naturang dokumento mula sa kampo ni Guo.
Iginiit naman ni Chairman Garcia na hindi na sila magbibigay pa ng panibagong extension para kay Guo para maghain ng kanyang counter-affidavit kaugnay sa misrepresentation complaint laban sa kaniya sa Comelec na nag-ugat sa pagsisinungaling niya sa kaniyang kandidatura noong tumakbo siya bilang alkalde ng Bamban noong 2022 elections.
Ayon pa sa opisyal, binigyan na nila ng pagkakataon si Guo na magbigay ng kaniyang tugon sa komisyon at nakadepende na aniya sa Comelec Law Department ang pagbalangkas ng pinal na rekomendasyon at tiniyak din sa publiko na agad aaksyunan ng Comelec en banc anuman ang matatanggap nilang desisyon.