-- Advertisements --

Inilatag ng isa sa private legal counsel ng Pinay na nasa death row sa Indonesia na si Mary Jane Veloso ang 2 scenarios na maaaring mangyari sakali mang tuluyan na siyang ilipat sa prison facility sa Pilipinas.

Ayon kay Atty. Edre Olalia, sa best case scenario, sakaling magpasya ang gobyerno ng Indonesia na ilipat si Veloso, pagkadating pa lang niya sa Pilipinas maaari na umanong pagkalooban ito ng absolute pardon na posibleng pumigil sa kaniya na makulong o umapak sa institusyon ng Pilipinas.

Habang sa worst-case scenario naman, maaaring mapalitan ang hatol sa kaniya na death penalty na wala dito sa Pilipinas sa habambuhay na pagkakakulong.

Subalit anuman dito ang magiging kapalaran ni Veloso, may tiyansa pa rin ito sa buhay kapag natuloy ang paglipat sa kaniya sa kustodiya ng Pilipinas.

Ipinunto din ni Atty. Olalia na Kahit pa magpasya ang mga mambabatas sa ating bansa na buhaying muli o ibalik ang death penalty, hindi ito maaaring ma-apply nang retroaktibo.

Sa eksklusibong panayam naman ng bombo radyo kay Atty. Olalia, sinabi niyang high morale ang pamilya Veloso. Sa ngayon ay limitado pa ang impormasyong hawak nila sa pagpapauwi kay Veloso dahil nakaantabay pa sila sa anunsiyo mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) na nakikipag-ugnayan sa kanilang counterpart sa Indonesia.