Posibleng maharap sa sanctions ang legal team ni Guo Hua Ping alias Alice Leal Guo mula sa Department of Justice dahil sa pagsusumite ng pekeng counter-affidavit sa kaniyang kinakaharap na qualified human trafficking case.
Ito ang ibinunyag ni Justice USec. Nicholas Ty kasunod ng pag-amin ni Guo sa pagdinig sa Senado nitong Martes na nilagdaan niya ang naturang counter-affidavit bago pumuslit palabas ng bansa noong Hulyo subalit pinanotaryo lang ito noong Agosto 14, panahong wala na sa bansa si Guo.
Base kasi sa jurisprudence, hindi dapat i-notaryo ng notaryo publiko ang isang dokumento maliban kung ang taong pumirma dito ay ang mismong taong nagsagawa nito at personal na humarap sa nag-notaryo upang patunayan ang nilalaman at katotohanan ng mga nakasaad sa dokumento.
Kaugnay nito, sinabi ng DOJ official na ang isyu dito ay tungkol talaga sa counter-affidavit, hindi lang sa notarization. Kayat hindi lang aniya si Atty. Elmer Galicia na nag-notaryo ng counter-affidavit kundi maging ang mga abogado ni Guo ang papanagutin dahil sa kanila galing ang counter-affidavit, sila din ang nag-attach nito sa motion to admit, at sila din ang naging bahagi ng record sa DOJ.
Saad pa ni USec. Ty na nakinabang ang mga abogado ni Guo mula sa counter-affidavit dahil nagdulot ito ng pagkaantala sa kaso.
Wala din aniyang duda na peke ang naturang counter-affidavit at hindi dapat na tularan ang ganitong galawan ng mga abogado ni Guo.
Tiyak din aniya na mayroon kasong ihahain ang DOJ sa Korte Suprema na disciplinary case para sa mga posibleng misbehavior ng mga abogado ni Guo.