ILOILO CITY – Tiniyak ng outgoing senator at Congresswoman-elect Loren Legarda na ibabangon ang Antique na binansagang pinakamahirap na lalawigan sa Western Visayas.
Ito’y matapos manalo si Legarda sa congressional elections laban kay former Antique Gov. Exequiel Javier.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Legarda, sinabi nito na kanyang ipagpapatuloy ang nasimulang mga programa at proyekto sa Antique.
Ayon kay Legarda, sa kanyang pag-upo bilang kinatawan ng lone district ng Antique, titiyakin nito na lahat ay makakabenepisyo sa Republic Act 11223 o Universal Health Care Law.
Kabilang naman sa mga itutulak na proyekto ni Legarda sa Antique ay ang cash for work at farm to market road.
Itutulak din daw nito sa Kongreso ang pagpapakilala ng mga produkto sa Antique kagaya ng tablea at iba pa.
Makikipag-ugnayan din si Legarda sa mga ahensya ng gobyerno upang mapatupad ng maigi ang nais nitong proyekto sa lalawigan.
Napag-alaman na si Legarda ay tubong Malabon City ngunit lumipat lang ng residency sa Pandan, Antique, noong Enero 2018.