Paiimbestigahan ni Senadora Loren Legarda ang mga ulat ng karahasan laban sa mga Non-Moro Indigenous Peoples (NMIPs) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Inihain ni Legarda ngayong Lunes ang ang panukalang Senate Resolution No. 1329, upang masilip ang kalagayan at seguridad ng mga Non-Moro Indigenous Peoples (NMIPs) BARMM kasunod ng mga ulat ng mga pagpatay at mga aksyon ng karahasan laban sa mga komunidad na ito.
Ang hakbang na ito ay isinagawa matapos ang brutal na pagpatay kay Fernando Promboy, ang pinuno ng tribong Teduray-Lambangian.
Natagpuan ang pinugot na katawan ng biktima sa isang water reservoir sa Maguindanao del Sur noong ika-19 ng Pebrero 2025. Kilala si Promboy bilang iginagalang na lider ng komunidad na may matibay na paninindigan laban sa mga marahas na pagsakop sa ancestral lands.
Ayon sa Timuay Justice and Governance (TJG) at Climate Conflict Action (CCAA), nakapagtala sila ng hindi bababa sa 84 na kaso ng pagpatay sa mga NMIP mula 2014 hanggang 2024, kabilang ang 12 lider, pitong kabataan, at walong kababaihan.
Ang resolusyon ay layong suriin ang mga hamon na kinahaharap ng mga NMIPs sa BARMM, kabilang ang mga hadlang sa pag-access ng katarungan, sapat na mga programang pang-proteksyon, at ang pangangailangan para sa pinatibay na mga interbensyong legal at polisiya.
Ito ay upang matiyak ang buong inklusyon ng mga NMIP sa agenda ng kapayapaan at kaunlaran ng parehong rehiyon ng Bangsamoro at ng mas malawak na pambansang balangkas.