LEGAZPI CITY — Isinailalim na sa state of calamity ang Legazpi City sa Albay dahil sa tumataas umanong kaso ng rabies.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni city veterinarian Dr. Emannuel Estipona, na nagkasundo ang Sangguniang Panglungsod na ideklara ang state of calamity matapos maitala ang mga kaso.
Ayon kay Estipona, pagkakataon na ito para mabakunahan ang natitirang higit 14,000 na populasyon ng mga aso sa siyudad.
Bukod dito, tiyak na makakatanggap ng pondo ang tanggapan para madevelop ang programa para sa rabies control, gayundin na makapagpatayo na ng dog pound sa siyudad.
Batay sa ulat, limang kaso ng rabies ang naitala sa mga barangay ng EMs Barrio, Cabangan, Maoyod, Bogtong at Taysan.
Sa ngayon, plano raw ng City Veterinary Office na i-activate ang bago nitong panuntunan na “No Contact Apprehension” kung saan maglalabas ng ticket ang tanggapan sa dog owners na siyang aaksyunan naman ng mga local barangay officials.
Una nang nagdeklara ng parehong state of calamity ang Tabaco City.