LEGAZPI CITY – Bukas na ang lungsod ng Legazpi sa lahat ng biyahero sa labas man o loob ng Bicol region na epektibo kahapon, Marso 1.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mayor Noel Rosal, bilang pagsunod sa Inter-Agency Task Force (IATF) na pagkakaroon ng uniform protocols ng mga LGUs, wala nang kinakailangan na mga dokumento ang mga travalers na papasok sa lungsod.
Subalit obligado pa rin ang mga ito na magtungo sa Ibalong Centrum for Recreation (ICR) Legazpi para sa profiling.
Kinakailangan na ma-record kung saang lugar nagmula at isailalim sa screening upang hindi ma-quarantine kapag lumabas na may sintomas ng coronavirus disease.
Mahigpit namang binigyang-diin ni Rosal na huhulihin ang mga biyaherong hindi dumaan sa check up.
Dahil dito, dapat na naka-alerto ang lahat na mga barangay sa pagbabantay ng mga dumarating na indibidwal na mula sa labas ng rehiyon upang matiyak na lahat ay dumaan sa profiling at nang maiwasan ang pagpasok ng COVID-19.