LEGAZPI CITY – Bukas ang City Government of Legazpi na sagutin ang gastos sa mass vaccination ng mga frontliners sa bibilhing COVID-19 vaccine.
Ayon kay Legazpi City Mayor Noel Rosal, kasabay ng kaarawan nito nitong Enero 2, wish nito na makaabante na ang ekonomiya habang inaalala ang seguridad ng pangkalahatan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi ni Rosal na ilalatag nito ang proposal sa pagbili na ng bakuna ng mga LGU sa isasagawang meeting ng League of Cities in the Philippines sa susunod na linggo.
Tinitingnang malaking tulong ang napanalunang P200 hanggang P300 million ng lungsod bilang paunang alokasyon na dadagdagan na lang ng mula sa pag-utang.
Desidido naman ang LGU na lumahok sa mga income generating projects upang madagdagan ang pondo.
Posibleng abutin ng anim na buwan ang paghihintay kung ang bakunang gawa ng Pfizer/BioNtech ang gagamitin subalit ang mahalaga umano ngayon ay makipila na at makapagbayad na para sa nasabing bakuna.
Tiniyak naman ni Rosal na susunod sa tamang proseso sa pagbili ng naturang bakuna.