LEGAZPI CITY- Nabakunahan nasi Legazpi City Mayor Noel Rosal kasabay ng pagsisimula ng vacination rollout sa lungsod.
Kasama ng alkalde na nabakunahan si City Health Officer Dr. Fulbert Alec Gillego at 100 iba pa sa vaccination hubs sa Legazpi City Convention Center at Legazpi City Hospital.
Bilang pinakaunang alkalde sa Bicol na nabakunahan, binigyang-diin ni Rosal sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ginawa lamang ito upang maipakita na ligtas ang pagpapabakuna.
Nag-high blood pa ang alkalde bago tumanggap ng bakuna na dahil umano sa sobrang excitement subalit wala namang naging problema matapos na kumalma.
Pinapili rin ito sa ituturok na bakuna, kung saan Sinovac na gawa ng bansang China ang mas pinaboran ni Rosal.
Sa kabilang banda, nagpaliwanag si Rosal kung bakit naunang mabakunahan kahit hindi health workers na siyang prayoridad sa kasalukuyan.
Kumuha aniya ito ng clearance sa Department of Health na sumalang na sa vaccination at napagbigyan naman lalo pa’t isang frontliner.
Sa Abril 16, nakatakda namang tanggapin ni Rosal ang ikalawang dose ng bakuna.