LEGAZPI CITY- Nakapag-uwi ng karangalan ang lungsod ng Legazpi matapos na pangalanan bilang top 2 Most Competitive City sa buong Pilipinas.
Sumunod ang lungsod sa Antipolo city na una sa pwesto habang pangatlo naman ang Tagum City.
Sa panayam ng Bombo Radyo legazpi kay Mayor Noel Rosal, hindi nito maitago ang kasiyahan na makatanggap ng pagkilala ang lokal na gobyerno lalo pang nasa 1,400 na mga LGUs mula sa ibat-ibat panig ng bansa ang pinagpilian sa nasabing parangal.
Ibinahagi rin ng opisyal na nakuha ng Legazpi ang mga minor awards na top 1 sa Economic Dynamism, top 1 sa Infrastructure Development, top 6 sa Government Efficiency at top 11 sa Resiliency.
Ayon kay Mayor Rosal, patotoo lamang umano nito na kung magsusumikap ay kakayanin pa rin na makagawa ng malaking bagay para sa ikauunlad ng nasasakopan sa kabila ng coronavirus disease pandemic.