-- Advertisements --

Natagpuang ‘wala nang buhay ang kilalang aktor na tanyag sa kanyang mga pelikula at ang asawa nito na si Betsy Arakawa, 64, pati ang kanilang aso na ‘wala naring buhay sa kanilang bahay sa Santa Fe, New Mexico, USA.

Ito ang kinumpirma ng Santa Fe County Sheriff’s Office bandang 1:45 ng hapon nitong Huwebes.

Ayon pa sa sheriff’s office, hindi nila pinaghihinalaan ang anumang foul play, ngunit hindi pa natutukoy ang eksaktong sanhi ng kanilang pagkamatay.

Sa ngayon patuloy ang ginagawang imbestigasyon ukol sa insidente.

Samantala kilala si Hackman na nanalo ng dalawang Oscars sa kaniyang 60-taong career sa pelikula, telebisyon, at teatro, dati rin itong Marine at kilala sa kaniyang raspy na boses.

Naging bahagi rin siya ng mahigit 80 pelikula at kilala sa kanyang kakayahang magbigay ng malalim na pagganap sa mga karakter na bida-kontrabida.

Nakuha ni Hackman ang unang nominasyon para sa Academy Award sa kanyang papel bilang kapatid ni Clyde Barrow sa pelikulang ”Bonnie and Clyde” noong 1967. Kasunod nito, muling nakuha ni Hackman ang nominasyon para sa Best Supporting Actor sa pelikulang ”I Never Sang for My Father” noong 1971.

Sumikat pa ang pangalan ni Hackman nang gampanan nito ang papel ni Popeye Doyle, isang matapang at determinadong detective mula New York, sa pelikulang ”The French Connection” noong 1971, na nagbigay sa kanya ng Academy Award para sa Best Actor.

Nanalo rin siya ng Best Supporting Actor Oscar noong 1993 para sa kanyang papel bilang isang malupit na sheriff sa Clint Eastwood na ”Unforgiven”. Nominado rin siya para sa Academy Award sa pelikulang ”Mississippi Burning” noong 1988 bilang isang ahente ng FBI.

Kilalang method actor, ang mga karakter ni Hackman tulad ng kanyang ginampanang kontrabidang si Lex Luthor sa ”Superman”, at minsan bida bilang isang coach ng basketball sa ”Hoosiers” (1986). Kinilala ang kaniyang talento na magbigay ng lalim at pagiging totoo sa bawat papel na ginagampanan nito.

Nagretiro ang Hollywood actor mula sa pag-arte sa kanyang ika-70 taon, sapagkat ayon sa kaniya ang mga papel na inaalok na sa kaniya ay puro “lolo” na.

Huli siyang nasubaybayan noong 2004 sa comedy movie na ”Welcome to Mooseport.”

Kaugnay pa nito si Hackman ay ikinasal sa dalawang babae at nagkaroon ng tatlong anak —sina Christopher, Elizabeth Jean, at Leslie Anne—mula sa kanyang yumaong ex-wife na si Faye Maltese, na pumanaw noong 2017.

Si Hackman ay pumanaw sa edad na 95 at iniwan ang isang malalim na legacy bilang isa sa mga pinaka-respetadong aktor sa Hollywood.