Pumanaw na ang batikang direktor na si Peque Gallaga sa edad na 76.
Ito ang kinumpirma ng kanyang kapatid na si Ricky Gallaga, at manager na si June Rufino sa isang statement.
Una nang sinabi ng pamilya nang award-winning director na na-ospital si Gallaga kamakailan dahil sa iba’t-ibang komplikasyon dulot ng mga dating health condition.
“He was a visionary director and artist; a loving husband, father, and grandfather; and a dear friend. He has brought so much joy to so many people and he will always live in our memories and in his art,” statement ng pamilya Gallaga.
Ayon sa pamilya, walang gaganaping funeral service bilang pagsunod sa umiiral na protocol laban sa pandemic.
“We are grateful for your thoughts, well-wishes, and prayers but we would appreciate some time to grieve as a family in private during this very painful time.”
Si Gallaga ang direktor sa likod ilang classic films tulad ng Oro, Plata, Mata (1982); Scorpio Nights (1985); Virgin Forest (1985); Magic Temple (1996); at ilang mga episode ng Shake, Rattle, and Roll.
Kilala ring screenwriter at aktor ang Bacolod-native director.
Ilan sa mga parangal na iginawad sa kanya ay mula sa International Film Festival of Flanders-Ghent, at Manila International Film Festival.
Nagwagi rin si Gallaga kasama si Laida Lim-Pérez sa Best Production Design sa pelikula ni Eddie Romero na “Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon” noong 1976 Gawad Urian awards.
Noong 1980, tinanghal din siya sa Best Production Design sa Ishmael Bernal film na “City After Dark.”
Noong 2014 nang gawaran si Gallaga ng Gawad CCP Para sa Sining award.