-- Advertisements --

Puwede nang gamitin ng mga legitimate Filipino children ang apelyido ng kanilang nanay bilang kanilang surname base na rin sa desisyon ng Supreme Court (SC).

Sa 15-pahinang desisyon na isinulat ng Justice Marvic Leonen, sinabi nitong ang hakbang na ito ng Korte Suprema ay para siguruhin ang fundamental equality ng mga kalalakihan at kababaihan.

Una rito, sa Alanis case kontra sa Court of Appeals (CA) na inihain ng petitioner sa Regional Trial Court ng Zamboanga City, Branch 12, inihirit ng petitioner na mapalitan ang kanyang pangalan.

Sinabi nitong ipinanganak ito kay Mario Alanis y Cimafranca at Jamilla Imelda Ballaho y Al-Raschid at ang kanyang pangalan sa kanyang birth certificate ay “Anacleto Ballaho Alanis III.”

Layon ng kanyang petisyon na tanggalin ang apelyido ng kanyang ama at nais nitong gamitin ang surname ng kanyang ina na “Ballaho” dahil ito ang ginagamit niya mula noong pagkabata.

Nais din niyang palitan ang kanyang pangalan na “Anacleto” sa “Abdulhamid” dahil sa parehong dahilan base sa petisyon.

Paliwanag naman ng petitioner, naghiwalay daw ang kanyang mga magulang noong siya ay limang taong gulang pa lamang.

Sinabi rin ng kanyang ina na mula noong naghiwalay sila ng kanyang asawa ay siya lamang ang nagtaguyod na mag-isa sa kanyang anak.

Sa desisyon ng CA, sinabi nitong hindi raw patas ang pagtrato ng RTC sa magulang ng petitioner dahil kabaliktaran ito sa state policy.

Pero sa desisyon ng SC, mali raw ang RTC nang sabihin nitong hindi puwedeng gamitin ng legitimate childeren ang apelyido ng kanilang ina bilang kanilang surname.

Paliwanag ng kataas-taasang hukuman, gaya raw ng iba pang government departments at agencies ay kailangang masiguro ang fundamental equality ng mga babae at lalaki sa ilalim ng batas.

“Courts, like all other government departments and agencies, must ensure the fundamental equality of women and men before the law. Accordingly, where the text of a law allows for an interpretation that treats women and men more equally, that is the correct interpretation,” base sa SC decision.