Walang bakas ng takot o kaba si Vice Pres. Leni Robredo nang humarap nitong araw sa media para ianunsyo ang kanyang pagtanggap sa pagkakatalaga bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Para kasi sa kanya, pagkakataon ito para bigyang daan ang tulong na pwede niyang maidagdag sa inuulan ng batikos na kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.
“Mula simula, ang gusto ko ay ang maging maayos ang kampanya laban sa iligal na droga. Itigil ang pagpatay sa mga inosente. Panagutin ang mga abusadong opisyal tulad ng mga ninja cops at mga nagpalusot ng tone-toneladang shabu. Bigyan ng hustisya at boses ang mga pamilya ng mga pinaslang na walang kasalanan. Habulin ang mga malalaking drug lords na talagang sumisira sa ating lipunan, hindi lang ang maliliit na nagtutulak sa kanto-kanto,” ani Robredo.
“At kahit sabihin na nating ang alok na ito ay pamumulitika lamang, at hindi naman talaga ako susundin ng mga ahensya, at gagawin nila ang lahat para hindi ako magtagumpay, handa akong tiisin ang lahat ng ito. Dahil kung mayroon akong maililigtas na kahit isang inosenteng buhay, ang sinasabi ng prinsipyo at puso ko ay kailangan ko itong subukan.”
Iginiit ni Robredo ang kanyang sinseridad na makatulong sa war on drugs campaign ng gobyerno sa kabila ng mga batikos na kanyang natatanggap bilang taga-oposisyon.
“Alam ng Pangulo kung ano ang posisyon ko sa drug war: tutol ako sa pagpatay ng mga inosente, kontra ako sa pang-aabuso ng mga opisyal. Alam niya ang aking mga puna. Alam niya ang mga balak kong ayusin.”
“Kaya kung iniisip niya na sa pagpayag na ito ay tatahimik ako, nagkakamali siya.”
“Simula pa lang, handa tayong tumulong sa ikabubuti ng bayan. Pero kailanman, hindi natin isusuko ang ating mga paniniwala. Hindi laro-laro ang usapang ito. Seryosong usapan kapag buhay ang nakataya. Tinatanong nila ako kung handa ba ako para sa trabahong ito.”
Kung maaalala, nag-ugat ang hamunan ng presidente at bise nang ihayag ni Robredo ang kanyang posisyon sa nagpapatuloy na kampanya.
Tila hindi raw kasi naging epektibo ang astang kamay na bakal na pagpapatupad ng kampanya sa nakalipas na tatlo’t kalahating taon.
Kaya sa huli, isang bagay lang daw ang dapat asahan ng mga kumukwestyon sa kanyang kakayahan.
“Ang tanong ko: handa ba kayo para sa akin? Mr. President, dalawa’t kalahating taon na lang ang naiiwan sa iyong administrasyon. Hindi pa naman huli ang lahat. Puwede pa nating pagtulungan ito.: