MANILA – Nasa kamay pa rin daw ng publiko ang desisyon kung sino ang karapat-dapat na maging susunod na pangulo ng Pilipinas.
Ito ang posisyon ni Vice President Leni Robredo matapos siyang banatan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes ng gabi.
“Hindi naman siya iyong magdedesisyon kung qualified ako o hindi, pero iyong taumbayan iyong magdedesisyon,” ani Robredo sa isang press briefing.
Magugunitang binanatan ni Duterte si Robredo matapos nitong punahin ang pahayag ng presidente sa usapin ng Visiting Forces Agreement.
Ayon sa pangulo, nakasaad sa Konstitusyon na siya lang ang may kapangyarihan sa foreign policy at hindi ang sino mang opisyal ng pamahalaan.
“Itong kay Robredo, sabi ko nga ‘Ma’am, kung ikaw ang presidente, hindi mo alam ang trabaho mo, dapat alam mo….’ You should not open your mouth when we are negotiating,” ani Duterte.
Hindi na raw dedepensahan ni VP Leni ang kanyang sarili, pero payo lang niya, may magandang dulot din naman ang pakikinig sa mga suhestyon.
Marahil ito rin daw ang naging dahilan kung bakit sa kabila ng pandemya, nagawa ng ilang bansa na maka-ahon sa health crisis.
“Pinakita ng buong mundo, lalo ngayong panahon ng krisis, na iyong mga leaders na marunong magkonsulta, iyong mga leaders na marunong tumanggap ng mga pagkukulang, iyong mga leaders na marunong makinig, mas consultative, mas maayos iyong response.”
Sa kabila ng mga hirit ni Duterte, tiniyak ni Robredo na hindi naman maaapektuhan ang kanyang mandato at pagtulong sa kapwa.
“Nalulungkot ako na iyong response sa ating mga mungkahi ay pang-iinsulto, pero sa akin, hindi ko naman iyon kontrolado. Ang kontrolado ko lang iyong gagawin ko. Nakakalungkot, pero tayo, sige lang. Hindi tayo nagpapaapekto doon.”
Nitong Martes nang ibasura ng Supreme Court, na umuupong Presidential Electoral Tribunal, ang electoral protest ng natalong vice presidential candidate na si dating Sen. Bongbong Marcos.