Hinimok ni Vice President Leni Robredo si Solicitor General (SolGen) Jose Calida na mag-focus na lamang sa trabaho nito partikular sa milyong backlog ng mga kaso sa opisina nito.
Ayon kay Robredo, ito’y kaysa pumapapel si Calida sa mga reklamong inihain laban sa mga kritiko ng administrasyong Duterte.
“Ang dami ngang paliwanag kung bakit kabahagi (ang Office of the SolGen dito). Pero hindi naipapaliwanag bakit ito iyong inaatupag (na may) napakaraming kaso na (ng OSG),” saad ng 54-anyos na bise presidente sa isang panayam.
Una nang kinuwestyon ng kampo ni Leni ang umano’y pangingialam ng ilang staff ng Office of the Solicitor General sa inihaing kaso ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) matapos idawit ng nagpakilalang alyas Bikoy na si Peter Joemel Advincula ang mga taga-oposisyon sa kontrobersyal na Ang Totoong Narcolist video.
Kung maaalala, si Vice President Robredo kasama sina Senadora Leila de Lima, Rissa Hontiveros at dating Sen. Antonio Trillanes IV, ay sinampahan ng kasong sedition batay sa salaysay ni Bikoy.
Sa panig ng Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na bilang abogado ng estado ay tungkulin ng OSG na magbigay ng legal assistance sa mga kasong binubuo ng gobyerno.
Ayon naman kay PNP Chief Oscar Albayalde, hindi nakialam ang OSG sa paggawa ng affidavit at normal lamang para sa kanila na kumonsulta sa OSG dahil sila ang tumatayong abogado nila.