Napahiya sa sarili nilang home court ang Los Angeles Lakers makaraang dominahin sila ng mahigpit na karibal na LA Clippers sa Christmas Day game, 111-106.
Baon sa 12 points ang Clippers sa halftime, 15 sa third quarter, at pito sa natitirang 6:39 ng final canto, ngunit humabol sila para itala ang 2-0 abanse kontra sa Lakers ngayong season.
Nasupalpal ni Patrick Beverley ang pagtatangka ng nagbabalik na si LeBron James mula sa 3-point line upang maselyuhan ang tagumpay ng Clippers.
Nagbuhos ng impresibong double-double na 35 points at 12 rebounds si Kawhi Leonard upang bitbitin ang Clippers tungo sa panalo.
Hindi rin nagpahuli sina Montrezl Harrell na umiskor ng 18 points mula sa bench, at si Paul George na nag-ambag ng 17 points.
Sa kabilang panig, tumabo ng 25 points si Kyle Kuzma upang magsilbing top scorer ng Lakers, na bigo nang makalasap ng panalo sa ikaapat na sunod na pagkakataon.
Nasayang din ang naitalang 23 points at 10 assists si James, maging ang 24 points ng kanyang tandem na si Anthony Davis.
Matatandaang ito ang unang beses na naglarong muli sina James at Davis makaraang pansamantalang magpahinga dahil sa dinanas na mga injury.