-- Advertisements --

Hindi rin nagpahuli ang Toronto Raptors sa leading teams ngayong first round NBA playoffs dahil isang panalo na lamang ang kailangan upang umusad din sa second round.

Ito ay makaraang tambakan ang Orlando Magic, 107-85, sa kanilang Eastern Conference Playoffs para sa 3-1 lead sa serye.

Una nang umusad kanina ang Boston Celtics sa second round bilang unang team nang ma-sweep sa apat na sunod na panalo ang Indiana Pacers.

Ang defending champion na Golden State Warriors ay isang panalo na lang din ang kailangan makaraang idispatsa rin ang Los Angeles Clippers.

Sa laro ng Raptors nanguna si Kawhi Leonard na may 34 points.

Hindi naman naitago ni Leonard ang kasiyahan sa pamamayagpag ngayong playoff season dahil noong nakaraang taon sa ilalim ng Spurs ay hindi siya nakalaro sa maraming kadahilanan.

Si Leonard ay dating NBA Finals MVP noong taong 2014.

“That’s something I was missing, just being out, sitting out,” ani Leonard. “That’s why it’s a blessing this year just to be able to play and be on the floor, regardless of what the outcome is.”

Samantala sumuporta naman kay Leonard sina Pascal Siakam at Norman Powell na may tig-16 points.

Sa kampo ng namemeligrong Magic nanguna si Aaron Gordon na nagbuslo ng 25 habang sina Evan Fournier ay nagpakita ng 19 points at si Nikola Vucevic naman ay nagdagdag ng 11.

Umabot sa 17 turnovers ang naging kasalanan ng Magic na ginamit ng Raptors para magawa ang 21 points.

Ang Game 5 ay gagawin sa darating na Miyerkules sa homecourt ng Toronto.