Nagpasabog ng 35 points si Kawhi Leonard upang pamunuan ang Toronto Raptors sa pagpapahiya sa Milwaukee Bucks, 105-99, upang kunin ang 3-2 lead sa Eastern Conference finals.
Hindi inalintana ni Leonard ang pananakit ng kanyang binti nang magpaulan ito ng limang 3-pointers, bukod pa sa pitong rebounds at siyam na assists.
Umalalay din para sa Toronto si Fred VanVleet na bumuslo ng 21 puntos na nanggaling sa pinakawalan nitong pitong 3-pointers.
“This was a super-hard win tonight,” wika ni Raptors coach Nick Nurse.
Nakabangon ang Toronto mula sa kanilang 14-point deficit noong unang bahagi ng laro, at nakakuha ng 15 points kay Leonard upang ibigay sa Bucks ang kanilang ikatlong sunod na pagkatalo ngayong season.
Sakaling magwagi ang Raptors sa Game 6 sa kanilang baluwarte sa araw ng Linggo, uusad na ang koponan sa NBA Finals at makakatunggali ang two-time defending champion na Golden State Warriors.
Nasira naman ang gabi ni Giannis Antetokounpo na ipinagbubunyi ang pagkakasama nito sa first-team, All-NBA selection.
Tumapos si Antetokounmpo na may 24 points para sa Bucks, na dinagdagan naman ni Eric Bledsoe na umiskor ng 20 points.