Lumobo ang bilang ng mga pasyenteng dinapuan ng leptospirosis na naka-admit ngayon sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) kasunod ng pananalasa ng bagyong Carina at hanging habagat sa bansa.
Ayon kay NKTI Deputy Executive Director for Medical Services Romina Danguilan, nasa kabuuang 67 na ang leptospirosis patient na ginagamot ngayon sa ospital na kailangan ng dialysis dahil apektado na ang kanilang kidney at pancreas. Ilan din aniya sa mga ito ay malubha ang kondisyon kung saan may 2 naka-intubate.
Kabilang nga sa ginawang hakbang ng ospital sa gitna ng pagdami ng mga pasyenteng may leptospirosis na na-admit ay ang pag-convert sa kanilang gymnasium sa leptospirosis ward.
Humiling na din ang ospital ng karagdagan pang 20 nurse at 10 doktor mula sa Department of Health para mapunan ang kakulangan nila sa manpower.
Sa datos mula sa DOH noong July 13, nasa kabuuang 1,258 ang kaso ng leptospirosis sa bansa kung saan 133 ang nasawi.