-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Bukod sa usapin ng COVID-19 tinututukan ngayon ng Department of Health (DOH) region 2 ang leptospirosis .

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Jong Ventura, kawani ng DOH Region 2 sinabi niya na nagpapatuloy ang kampanya ng kanilang tanggapan upang mapuksa ang naturang sakit sa pamamagitan ng patuloy na pagbibigay ng sapat na mga impormasyon sa mga mamamayan upang maiwasan na nakuha ng sakit na leptospirosis.

Ayon pa kay Ginoong Ventura na bago pa man maganap ang malawakang pagbaha sa Lambak ng Cagayan ay namahagi na sila ng Prophylactic Antibiotics laban sa Leptospirosis.

Nagsagawa din ang DOH ng Enhanced Community Surveillance sa mga lugar na labis na naapektuhan ng pagbaha sa Cagayan at Isabela partikular sa mga lugar na nakapagtala ng kaso ng peptospirosis upang mabigyan ng agarang lunas at atensyong medikal ang mga residente.

Samantala, nauna na ring nagsagawa ng barangay visitation ang Ilagan City Health Office kasabay ng pagbibigay ng Prophylactic Antibiotics at Vitamin A supplement para sa mga bata ganun na din ng pagbibigay ng mga anti tetanus serum and tetanus toxoid para matiyak na protektado ang mga Ilagueño sa anumang uri ng sakit.