-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang lesbian matapos na pagbabarilin sa loob mismo ng kanyang bahay sa Sta. Luciana, Cauayan City.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan kay Noime Mamauag, pamangkin ng biktima na si Marcelina Mamauag, sinabi niyang pasado alas onse ng gabi nang makarinig sila ng putok ng baril mula sa bahay ng tiyahin.

Nakita niyang nakabukas ang pintuan ng biktima at batay sa kanyang anak na kasama nito sa loob ng bahay binaril sa harapan niya ang biktima ng isang matangkad na lalaki at nakasuot ng Camouflage at bonete.

Aniya, wala nang buhay ang biktima nang makarating ang mga miyembro ng rescue 922 na tumugon sa insidente.

Si Marcelina ay nagtamo ng tatlong tama ng baril sa kanyang katawan.

Mayroon nang person of interest sa pagpatay sa biktima kaya desidido silang makamit ang hustisya.

Walang nakita ang anak ni Noime na sinakyan ng gunman kaya hinihinalang dumaan ito sa likurang bahagi ng bahay ng biktima at dumaan sa kanto palabas sa lugar.

Hiniling niya sa Cauayan City Police Station ang malalimang imbestigasyon sa kaso ng kanilang kamag-anak upang makamit ang hustisya sa pagpaslang sa kanya.

Samantala, patuloy ang pagsisisyasat ng pulisya upang matukoy ang bumaril-patay kay Marcelina Mamauag.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt.Col. Ernesto Nebalasca Jr., hepe ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na agad silang tumugon at nakipag-ugnayan sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang iproseso ang crime scene.

Batay sa kanilang pagsisiyasat natutulog ang biktima kasama ang anak ni Noime nang sinira at sapilitang pumasok sa pintuan ng bahay ang pinaghihinalaan at pinagbabaril ang biktima.

Inaalam pa ang motibo sa krimen at tinututukan ang dalawang natukoy na person of interest na boluntaryong sumailalim sa paraffin test.

Nasamsam sa crime scene ang bala ng calibre 45 na baril na posibleng ginamit ng pinaghihinalaan.