Nasungkit ng Let’s Play Schools ng Department of Education-7 ang Guinness World Record para sa “Largest Rondalla Ensemble” noong Biyernes, Hunyo 28, sa Mandaue City Cultural and Sports Complex.
Umabot sa 554 performers mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa buong Central Visayas ang nagtipon at nagpatugtog ng 12-minute piece na nagtatampok ng “Canon in D” at mga katutubong awiting Bisaya.
Inihayag ng Musical Conductor na si Anthony Consejo na ang minimum na kinakailangan ay 250 performers lamang ngunit hinigitan pa nila ito at kung may aagaw man sa titulo ay susubukan nilang masungkit itong muli
Ikinatuwa naman ni Consejo na nagbunga ng tagumpay ang kanilang pagsisikap dahil inabot pa umano ng anim na buwan para paghadaan ito at nagkaroon din ng mga hamon tulad ng mga pondo para sa transportasyon, pagkain, tirahan, at iba pa.
Ang Let’s Play ay isang non-profit organization na nagbibigay sa mga bata ng access sa mga instrumentong pangmusika at mga programa, na nagpo-promote ng mga pagkakataon para sa pagpapaunlad ng kasanayan.
Samantala, ikinatuwa naman ni Department of Education-7 Regional Director Dr. Salustiano Jimenez ang karangalang ibinigay ng mga ito sa rehiyon.
Tinukoy pa ni Jimenez na matapos ang naturang parangal ay kasunod naman ang nasyonal na mga aktibidad na gaganapin sa Cebu gaya ng Palarong Pambansa bukod sa limang iba pa na aniya’y magiging matagumpay ding maisagawa.