Appreciated ngunit kulang sa inclusivity. ‘Yan ang naging tugon ng LGBT+ group na Bahaghari sa inilabas na Executive Order number 51 ni Pangulong Marcos na nagtatakda sa pagkakaroon ng Committee on LGBT+ Affairs upang palakasin ang mekanismo laban sa diskriminasyon na nararanasan ng LGBT+ members.
Ayon sa chairperson ng Bahaghari na si Reyna Valmores, ang komposisyon ng nasabing kumite ay pawang mga opisyal lamang ng ilang ahensiya ng gobyerno at hindi mga nanggaling sa civil society at non-government organizations na may espesyalidad sa LGBT rights.
Inihayag niya rin sa isang panayam na ang pagbuo ng kumite ay nakapaloob sa SOGIE Equality Bill na mahigit dalawang dekada nang nakatengga sa Kongreso. Mas kailangan umano ng mga tao ang isang konkretong batas na magpo-protekta sa lahat Pilipino laban sa diskriminasyon batay sa kasarian.
Para naman kay Babaylanes executive director Jap Ignacio, dapat aniyang makipagtulungan ang kumite sa miyembro ng LGBT+ para mabigyang solusyon ang problemang nararanasan nila.
Dagdag pa niya, ikinalulugod nila ang pagkakaroon ng ganitong kumite pero sana raw ay magkaroon ng meaningful representation ang sektor ng LGBT+ katulad na lamang ng pagkakaroon ng konsultasyon at pakikinig sa kanilang mga hinaing at higit sa lahat ay nawa’y bigyan umano sila ng pagkakataon na pangunahan ang kumite.
Umaasa ang LGBT+ groups na ito ay maging daan upang suportahan ni Pangulong Marcos ang pagpasa sa SOGIE Equality Bill.
Nauna ng sinabi ni Pangulong Marcos sa isang talumpati na poprotektahan ng gobyerno ang mga Pilipino laban sa diskriminasyon.