-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Patay ang miyembro ng LGBT community sa lungsod ng Bacolod makaraang tumalon mula sa 4th floor ng mall kahapon ng hapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Lt. Joven Mogato, station commander ng Bacolod Police Station 2, nasa mid-30s ang edad ng biktima na residente ng Barangay Sum-ag, Bacolod City.

Walang nakapigil sa biktima at nagulat na lamang ang mga mall goers nang may tumalon mula sa 4th floor ng Ayala Malls Capitol Central sa Gatuslao Street.

Ayon sa hepe, may nakita ang mga medical attendants na suicide note mula sa bulsa ng biktima kung saan nakasulat na mayroon itong problema sa pamilya kaya’t kanyang kinitil ang kanyang buhay.

May dalang bag ang biktima na may nakitang IDs na nagpapakita na empleyado ito ng isang mall sa Bacolod.

Sa pananaliksik ng Bombo Radyo, ang biktima ay sinisingil umano ng kanyang utang at binigyan ng hanggang alas-5:00 kahapon ng hapon na deadline para sa kanyang bayad.

Ayon sa mga nakakilala sa biktima, nagpost sa Facebook ang sumisingil ng kanyang utang kaya’t pinaniniwalaang napahiya ito.

Sa ngayon, deleted na ang posts ng sumisingil ng utang.