CENTRAL MINDANAO- Nagpaalala muli ang Municipal Tourism Office ng lokal na pamahalaan ng Alamada, Cotabato sa publiko sa pansamantalang pagpapasara sa mga tourist destinations sa nabanggit na bayan ngayong patuloy pa din na nararanasan ang krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa Municipal Tourism Office, maliban sa mga tourist destinations ay suspendido din ang lahat ng mga tourism-related activities habang ipinatutupad pa din ang Modified General Community Quarantine sa bayan.
Aniya, papatawan ng karampatang parusa at multa ang sinumang lalabag sa naturang kautusan base sa Article 151 ng Revised Penal Code sa ilalim ng Republic Act No. 10951.
Base sa naturang batas, maaaring makulong ng hanggang isang buwan at pagmumultahin ng nasa P2,000 to P20,000 ang mga indibidwal na magkakaroon ng simple disobedience habang pagkakakulong ng hanggang anim na buwan at multang hindi lalagpas sa P100,000 naman ang ipapataw sa mga magkakaroon ng serious disobedience.
Kilala ang Alamada sa mga tanyag at magagandang tourist destinations tulad ng Asik-Asik Falls, Tent City, Gu-o Peak, Sacdalan Farm at iba pa.