Nagtulong-tulong na ang mga volunteer at lokal na pamahalaan ng Malabon para makapaglatag ng mga sandbag sa nasirang Tullahan Riverwall.
Ipinag-utos ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang naturang hakbang habang hindi pa naayos ang nasirang riverwall, ilang linggo na rin ang nakakalipas.
Ito ay upang mapigilan aniya ang pagpasok ng tubig at maiwasan ang mga serye ng pagbaha sa lugar.
Maari umanong matapos ang paglalagay ng mga sandbag sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo.
Maalalang isa ang Malabon City sa mga pangunahing naapektuhan sa nakalipas na pagbaha kung saan nalubog ang malaking bahagi nito sa tubig-baha.
Matapos ang malawakang pagbaha na dulot ng supertyphoon Carina at Hanging Habagat, nasundan din ito ng panibagong pagbaha nitong Lunes dahilan upang makansela ang tuluyang pagbubukas ng klase sa naturang syudad, at siyang tanging lugar sa buong bansa na hindi nakasabay sa school opening noong July 29 at AUgust 5.
Ayon naman kay Mayor Jeannie Sandoval, pinatututukan na nito ang pagkukumpuni sa nasirang riverwall na nagsisilbing proteksyon ng mga residente katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)