LEGAZPI CITY – Nag-alok ng reward money ang lokal na pamahalaan ng Bato, Catanduanes sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon sa suspek sa pagpatay sa isang lola sa Brgy. Batalay.
Nadatnan na lamang na naliligo sa sariling dugo ang 87-anyos na si Ester Rojas ng mismong apo nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCapt. Emsol Icawat, hepe ng Bato PNP, mismong si Mayor John Rodulfo ang naghayag ng pagbibigay ng P50,000 sa makakapagturo ng suspek sa insidente.
Tiniyak naman ni Icawat na po-protektahan ang pagkakakilanlan ng posibleng impormante.
Kung babalikan, Sabado, Hunyo 26 ng mangyari ang krimen at nadiskubre ang wala nang buhay na biktima na may mga sugat sa ulo, likod, tagiliran na indikasyon ng foul play.
Tipikal na walang kasama sa bahay ang matanda kung umaga at sinasamahan naman ng apo sa gabi.
Robbery with homicide naman ang tinitingnang motibo sa krimen lalo pa’t sinasabing nawawala ang P15,000 na pension na na-withdraw ng matanda at P80,000 na tago nito batay sa salaysay ng isa sa mga anak ng biktima.
Sa kasalukuyan, may apat ng persons of interest na sinusubaybay ang pulisya.VC_PCapt. Emsol Icawat, hepe ng Bato PNP