-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Pabor si Carmen Cotabato Mayor Moises Arendain sa nakatakdang pagpapatupad ng general community quarantine sa probinsya.

Sa ngayon ay nasa enhanced community quarantine (ECQ) ang probinsya ng Cotabato.

Una ng tinukoy sa pagpupulong sa Malacanang na pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nasa low risk situation lamang ang North Cotabato sa COVID-19.

Ang bayan ng Carmen ay walang PUI at apat lamang ang PUM dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng mga alituntunin sa dineklarang Public Health Emergency ni Duterte sa bansa.

Ngunit nilinaw ni Mayor Arendain na kailangan busisihin at pag-aralan ng todo bago ibaba sa GCQ ang probinsya ng Cotabato para hindi malagay sa alanganin ang kalusugan ng taong bayan laban sa COVID.

Una nang nagbanta si Mayor Arendain sa mga hindi nagsusuot ng facemask, hindi sumusunod sa social distancing at curfew hours na ipahuhuli sa mga pulis at mahaharap sa kaukulang kaso sa paglabag sa mga alituntunin ng public health emergency sa bansa.

Samantala abala ngayon ang LGU-Carmen kasama ang DSWD sa pamamahagi ng SAP cash assistance mula sa gobyerno at siniguro nito na matatanggap ito ng pinakamahirap na pamilya sa bayan.