CENTRAL MINDANAO- Pinalakas pa sa bayan ng Datu Montawal Maguindanao sa pakipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng lalawigan, Provincial Agriculture Office at National Nutrition Council (NNC) ang malnutrition program.
Pormal na tinanggap ng unang ginang ng bayan na si Bai Kristel Montawal ang additional insumix food mula sa mga opisyal ng Provincial Agriculture Office.
Ang bayan ng Datu Montawal ang napili bilang pilot area ng malnurition program ng Provincial Government na pinangunahan ni Governor Bai Mariam Sangki Mangudadatu at sampung mga kabataan ang benepisyaryo.
Sinabi ni Mayor Datu Otho Montawal na ang LGU-Datu Montawal ay laging nakatutok sa kapakanan ng taumbayan lalo na sa malnutrisyon ng mga kabataan.
Matatandaan na pinaigting ng pamahalaan ang kampanya laban sa mataas na kaso ng malnutrisyon sa bansa sa gitna ng pandemya.
Prayoridad ng naturang programa ang pagbibigay ng sapat at wastong pagkain, partikular na sa mga kabataan at mga buntis upang masigurong malusog ang kanilang dinadala, lalung-lalo na sa unang 1,000 na araw ng sanggol sa sinapupunan ng ina, kung kailan nabubuo ang pisikal at mental na kapasidad ng bata.
Ayon sa mga eksperto, kapag hindi nabigyan ng maayos na suplay ng pagkain ang ina at ang sanggol na dinadala nito, maaari itong maging sanhi ng pagkabansot at hindi pagkabuo ng iba pang mga kapasidad ng bata.
Dahil may naiulat na malnutrisyon sa probinsya ng Maguindanao ay agad itong tinutukan ng Provincial Government at kabilang sa pilot area ang bayan ng Datu Montawal.