DIPOLOG CITY – Pinaghahandaan na ngayon ng Local Government Unit (LGU) ng lungsod ng Dipolog, Zamboanga del Norte ang posibleng pagpapauwi sa mga stranded na indibidwal mula sa iba’t ibang panig ng bansa dahil sa ipinapatupad na travel restrictions dulot ng COVID-19 pandemic.
Sa ipinatawag na pulong ni Mayor Darel Uy, napag-alaman na tinalakay ang mga posibleng gawing hakbang ng siyudad upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa sa pagpapauwi sa mga Locally Stranded Individuals (LSI) at Returning Overseas Filipinos (ROF).
Kasabay ng pagpapauwi sa mga na-stranded ay pagsiguro naman sa striktong pagpapatupad mga checkpoints sa mga terminal, airports at seaports.
Siniguro rin na dadaan sa tamang proseso ang mga indibidwal na uuwi upang masuri kung sila ay positibo o hindi na kinanatakutang virus bago payagang makauwi sa kani-kanilang mga pamilya.
Kabilang din sa hinihinging papeles sa mga uuwing LSI at ROF ay ang travel authority na aprubado ng Regional Task Force COVID Shield.
Dumalo sa naturang pagpupulong ang mga kilalang kompanya ng bus, airlines at shipping line sa syudad na siyang magiging katuwang ng Dipolog LGU sa nasabing hakbang.
Nagpaalala din ang lokal na pamahalaan sa mga nagnais umuwi sa Dipolog maging sa probinsiya ng Zamboanga del Norte na makipag-ugnayan lamang sa barangay kung saan sila na-stranded upang mapaayos at mapadali ang pagproseso ng mga kinakailangang papeles.
Nabatid na iba ang proseso para sa mga gustong mag-avail ng Balik Probinsiya Program para sa mga nasa Metro Manila at maging ang Returning OFW.
Kung maalala ipinag-utos ng national government ang pagpapauwi sa lahat ng stranded upang mabigyan ng pagkakataong makapiling ang kanilang mga pamilya.