CENTRAL MINDANAO – Pinaghuhuli ng pulisya sa bayan ng Midsayap, Cotabato ang mga lumalabag sa Executive Order 22 (COVID-19 crisis) o pagbabawal sa may mga angkas sa motorsiklo.
Ayon kay Midsayap chief of police Lt. Col. John Miridel Calinga na wala silang sasantuhin sa pagpapatupad ng Executive Order #22 na inisyu ni Midsayap Mayor Romeo Araña kung saan mahigpit na pinagbabawal ang angkas sa motorsiklo, pagsuspendido ang byahe ng mga sikads, tricycle, vans, jeeps, payong-payong, dagit-dagit at bangka.
Ang EO 22 ng alkalde ay biglang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte pagkatapos isinailalim sa state of calamity ang buong Pilipinas.
Kasunod pa rin ito ng patuloy na pagtaas ng kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa bansa.
Nilinaw naman ni Midsayap Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) head Karl Ballentes at tagapagsalita ni Mayor Araña sa pinaigting na kampanya sa COVID-19 na ang pagbabawal sa angkas ng motorsiklo ay para maiwasan ang hawaan sa nakakamatay na sakit. Dahil dito kaya naman ipinapatupad ang social distancing.
Ang inilabas na EO 22 ng LGU-Midsayap ay para tiyakin ang kapakanan ng taongbayan at hindi ito pagmamalabis sa kanilang karapatan.
Dagdag ni Ballentes na mahigpit nilang ipapatupad ang pagbabawal sa angkas ng motorsiklo at iba na nakapaloob sa EO 22 dahil layunin nito na maiwasan ang paglobo ng mga nahawaan sa COVID.
Nanatili pa rin na COVID-19 free ang bayan ng Midsayap, Cotabato at buong probinsya.
Sa ngayon ay patuloy na pinalakas ng LGU-Midsayap katuwang ang militar, pulisya, rural health unit, mga volunteers at ibang ahensya ng gobyerno sa pinatinding kampanya laban sa COVID.