-- Advertisements --

Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga local government units (LGUs) sa bansa na tumulong sa pagpapababa ng halaga ng transportasyon at logistics na nakakaapekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa gitna ng tumataas na demand ng pagkain ngayong papalapit na ang pasko at bagong taon.

Binigyang-diin ni Gatchalian na dapat tiyakin ng mga LGU ang mahigpit na pagsunod sa Executive Order 41, na nilagdaan ng Pangulo noong Setyembre ng taong ito, na nagbabawal sa pangongolekta ng pass-through fees mula sa mga sasakyang de-motor na nagdadala ng mga kalakal o paninda na dumadaan sa national roads at iba pang mga kalsadang hindi ipinatayo at pinondohan ng mga LGU.

Gayunpaman, hinihimok lamang ang mga LGU na magsuspindi ng kanilang koleksyon kapag nagdadala ng mga kalakal o paninda sa mga lokal na pampublikong kalsada.

Layon ng EO na tiyakin ang mahusay na paggalaw ng mga kalakal sa mga rehiyon at ang muling pagpapasigla ng mga lokal na industriya.

Iginiit ng Senador, na ang transportasyon ng lahat ng mga produktong pang-agrikultura mula sa mga LGU ay dapat saklaw ng EO upang matiyak na abot-kaya ang naturang mga bilihin na nangangailangan ng mahigpit na pagsubaybay ng mismong mga LGU.

Ayon kay Gatchalian, dapat ding tiyakin ng mga provincial LGUs ang pagkakaroon ng post-harvest facilities.

Ito, aniya, ay hindi lamang para maiwasan ang pagkasira ng mga agricultural products. Mahahanapan pa ang mga ibinebentang produktong ito ng sapat na merkado.