CENTRAL MINDANAO-Nagpasalamat ang lokal na pamahalaan ng Kabacan sa pangunguna ni Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr sa Department of Interior and Local Government XII matapos na bigyang pagkilala ang tanggapan sa pagpapatupad ng Performance Challenge Fund o PCF projects.
Ang PCF ay ang insentibong ipinagkaloob sa bayan noong ito’y napabilang sa prestihyong Seal of Good Local Governance o SGLG taong 2016 at 2017 na may kabuuang P3 milyon.
Paliwanag ni Kabacan Municipal Administrator Ben Guzman, may pagpiling ginagawa ang DILG batay na rin sa criteria nito na binubuo ng Timeliness, Quality Management, Sustainability, Transparency, Fund Management, at Innovation.
Dagdag pa ng Administrator, ang nga proyektong mula sa PCF ay ang pagpapasemento ng daan sa Sitio Roque, Brgy. Dagupan at ang Drainage Canal sa kahabaan ng Jacinto St. Brgy. Poblacion na kung saan nakatulong na paginhawain ang kabuhayan ng mga mamamayan.
Lubos naman ang kasiyahan ng alkalde ng Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr sa pagkilalang ipinagkaloob sa bayan.
Aniya, ang pagkilalang ito ay hindi lang para sa lokal na pamahalaan bagkus ay pagkilala ito sa buong bayan lalo na sa mga Kabakeño.
Naniniwala din ito na magbubukas pa ito ng mga bagong investors na mamumuhunan sa bayan batay na rin sa magandang pag-gamit ng kaban ng publiko.
Samantala, nagpupursige naman sa ngayon ang lokal na pamahalaan ng Kabacan na muling masungkit ang SGLG ngayong taon.
Ayon kay Mayor Guzman, isinasaayos na ng bayan ang lahat ng dokumentong magagamit sa validation na ikakasa ngayong buwan ng Abril 2019.