-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Magbibigay ng gantimpala na P50,000 si Kabacan, Cotabato Mayor Herlo Guzman Jr sa sinumang makapagtuturo sa mga suspek na gumahasa at pumatay sa 16-anyos na dalagita.

Nakilala ang biktima na si Rasmiah Kumawir, Grade 6 student at residente ng Barangay Malanduage, Kabacan, Cotabato.

Una rito, nanguha lamang ng panggatong na kahoy ang dalagita at hindi na nakauwi ng kanilang tahanan.

Natagpuan na lamang ang bangkay ng dalagita na palutang-lutang sa ilog at sa imbestigasyon ng pulisya ay positibo itong ginahasa.

Personal rin na tinungo ni Mayor Guzman kasama si ABC President Evangeline Pasua Guzman ang bahay ng biktima at nagbibigay ng tulong sa pamilya.

Tiniyak ng alkalde na tututukan ng lokal na pamahalaan ng Kabacan ang mabilisang pagresolba sa kaso.

Panawagan naman ni Mayor Guzman Jr sa pamilya ng biktima at sa lahat ng Kabakenyos na maging mahinahon at huwag hayaang masira ang magandang samahan ng mga Muslim, Kristiyano at lumad sa bayan.

Hinikayat naman ni Kabacan OIC chief of police, Captain Wilson II sa lahat ng mga nakasaksi sa krimen na huwag matakot tumestigo dahil ibibigay nila ang lahat ng proteksyon para tiyakin ang kaligtasan ng mga ito.