CENTRAL MINDANAO – Mismong si Kabacan, Cotabato Municipal Mayor Herlo Guzman Jr. ang nanguna sa paglilinis at pagpapaalis ng mga iligal na establisyemento sa kahabaan ng national highway partikular na sa pagitan ng Brgy. Kayaga at Brgy. Poblacion.
Batay sa mandato o kautusan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang State of the Nation Address o SONA nitong nakaraang Hulyo 2019, ipinag-utos nito sa mga gobernador, alkalde, at mga punong barangay na kailangan nilang linisin o alisin ang mga nakaharang sa daan upang maayos na dumaloy ang trapiko.
Kaugnay nito, pinuntahan ng alkalde kasama ang kapulisan, kasundaluhan, at mga kawani ng gobyerno ang nasabing lugar sa bayan.
Dito nadiskubre ng alkalde na bukod sa karamihan dito ay hindi residente ng bayan ay may mga iligal rin itong koneksyon ng kuryente at tubig.
Agad namang tinawagan ng alkalde ang Cotabato Electric Cooperative o COTELCO at Kabacan Water District upang masuri at makita ang mga sinasabing iligal na koneksyon.
Samantala, ikinagulat ng alkalde ang pagbalik ng iilang mga nagtitinda sa nasabing lugar.
Ika-25 ng Agosto nitong linggo, ay mayroon pa ring mga nagtitinda sa nasabing lugar na tila hindi umano mapakiusapan ng maayos ang mga ito.
Aniya, sa oras umano na siya’y babalik sa nasabing lugar at may makita pang mga nagtitinda ay ipapaubaya na niya ito sa mga kasundaluhan at kapulisan upang dalhin ang kanilang mga paninda.
Binalaan din nito ang mga may-ari ng mga pribadong sasakyan na huwag gawing parking area ang lugar partikyular na ang sinirang daan ng DPWH na paghahanda sa isasagawang road clearing at widening.