CENTRAL MINDANAO – Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Kabacan na kanilang pag-iibayuhin ang pagbabantay sa bayan ngayong darating na kuwaresma.
Ayon sa tanggapan, magbabantay ang mga kapulisan, kasundaluhan, BFP, mga force multipliers, at ang Kabacan Incident Quick Response Team o KIQRT sa mga pampublikong lugar tulad ng mga simbahan at ng terminal upang siguruhing maayos at ligtas ang publiko.
Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ng tanggapan ang mga magbibisita-iglesia na mariing ipinagbabawal ang pagdadala ng malalaking bag o backpack sa paligid ng simbahan.
Ito’y batay na rin sa Executive Order ng pamahalaang lokal ng Kabacan na may bilang 2019-001.
Hinimok din ng lokal na pamahalaan ng Kabacan ang publiko na mag-ingat at laging siguruhing nakakandado ang kanilang mga tahanan kung magbabakasyon ang buong pamilya at walang maiiwan sa kanilang tahanan.
Ayon sa datos, malaki ang bilang ng nananakawan tuwing kuwaresma, kung kaya’t mainam na siguruhing nakasara at nakakandado ang bawat pinto ng tahanan.
Samantala, nagpaalala din si Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr sa publiko na sa panahon na ito ay kailangang magnilay-nilay at alamin ang buhay ni Kristo.
Tulad umano ng ginawa nito at inalay ang kanyang buhay para sa sambayanan, mainam na ialay natin ang ating sarili sa ating bayan.
Dagdag pa nito, bukod sa kadalasang ginagawa ng pamilya na magbakasyon at maligo sa dagat, mainam na bumisita sa mga simabahan at magdasal para sa kaayusan ng bayan.