CENTRAL MINDANAO-Sa muling pagkakataon ay nabigyan ng pagkilala ang bayan ng Kabacan Cotabato sa National Competitiveness Council-Philippines bilang top 16 sa buong Pilipinas na maituturing na competitive mula sa 489 na mga bayan at syudad sa buong bansa.
Matatandaang taong 2019, nasa ranked 23 ang bayan habang ngayong taon ay umakyat ng pitong rangko ang Kabacan.
Lubos naman ang pasasalamat ni Kabacan Mayor Herlo P. Guzman, Jr. Aniya, sa kabila ng nangyaring pandemya at mga hindi inaasahang pangyayari, patunay ang pagkilalang ipinagkaloob sa bayan na nagbubunga ang kooperasyon at magandang ugnayan ng tatlong tribo sa bayan.
Dagdag pa ng alkalde, ang pagpasok ng mga mamumuhunan (investors) ay patunay na naniniwala ang mga ito sa kakayahan ng Kabacan na lalago ang kanilang negosyo.
Siniguro din ni Mayor Guzman na kanyang mas pag-iibayuhin pa ang kanyang panunungkulan upang mas mahikayat ang iba pang investors na pasukin ang bayan.
Apela rin nito sa publiko na magtulungan upang ang bayan ng Kabacan ay patuloy sa pag-UNLAD.