CENTRAL MINDANAO-Huwag mangamba, ito ang naging pahayag ni Kabacan Cotabato Mayor Herlo Guzman Jr matapos ang mga serye ng katanungan kaugnay sa positibong covid-19 case na nasa pangangasiwa ng USM Hospital.
Matatandaang nakapagtala nang magkasunod na tatlong positive case ang lalawigan ng Cotabato at dalawa sa positibo ay nasa pangangasiwa na ng USM Hospital sa bayan ng Kabacan.
Aniya, ang isang Kabakeñong sumusunod sa mga protocol gaya ng palaging pagsuot ng facemask,physical distancing,madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at alcohol, pagsunod sa tamang pamantayan sa pag-ubo ay may mas malaking tiyansa na makaiwas sa sakit.
Dagdag pa ng alkalde, kailangang huwag mangamba o magpanic lalo pa’t isa ito sa rason para humina ang immune system.
Hinimok din nito ang lahat na maniwala, magtiwala, at ipagdasal ang pamahalaan at bawat isa sa laban kontra Covid-19.
Muli, paniniguro ni Mayor Guzman na kontrolado parin ng LGU ang sitwasyon kaugnay sa Covid-19.
Samantala, masayang ibinalita ng Kabacan Rural Health Unit na negatibo sa covid-19 ang pinakahuling suspected case sa bayan.
Matatandaang nitong nakalipas na araw ay nakapagtala ng panibagong suspected case ang bayan makaraan lamang na magnegatibo rin ang isa pang suspected case.
Patuloy ang paalala ang lokal na pamahalaan ng Kabacan sa publiko na sumunod sa mga ipinapairal na health protocols.
Kinumpirma rin ng RHU na abot na sa 835 ang cleared habang nasa 154 naman ang PUM.