-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Inilatag na ng lokal na pamahalaan ng Kalibo, Aklan ang mga kaabang-abang na aktibidad sa weeklong celebration ng Kalibo Ati-Atihan Festival in honor to patron saint Sto. Niño de Kalibo na magsisimula sa Enero 15-21, 2024.

Ayon kay Carla Doromal, executive assistant I to the Office Of the Municipal Mayor ng LGU Kalibo na bago pa man natapos ang taong 2023 ay sinimulan na nila ang paghahanda sa taunang malaking selebrasyon na inaasahang dudumugin ng mga turista, bisita, balik-bayan at mga deboto ng Sto. Niño de Kalibo.

Ang itinuturing na Mother of All Philippine Festival ay lalahukan ng nasa 34 na mga tribu at grupo para magpasikat sa mga pangunahing kalsada sa bayan ng Kalibo kung saan, P1 milyon pesos ang inilaan na premyo sa mananalo.

Dagdag pa ni Doromal, mararamdaman na ang inaabangang selebrasyon dahil sa kaliwa’t-kanang pag-eensayo ng mga drummers at makikita rin ang mga inilagay na banner na may imahe ng Sto. Niño de Kalibo gayundin ang mga ambulant vendor na nagsulputan.

Sa kasalukuyan aniya ay handang-handa na ang LGU Kalibo na tumanggap ng mga bisita, merrymakers at devotees na makisaya sa Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Festival 2024.