CENTRAL MINDANAO-Simula ngayong araw Huny o 15,2021 ipatutupad na ng City Government ng Kidapawan ang pagbibigay ng subsidy sa pambayad sa ospital ng mga pasyente na magpapagamot sa Covid19.
Tanging mga taga Kidapawan City lamang na tatamaan ng Covid-19 ang mabibigyang tulong partikular na ang mga hirap makabayad sa kanilang bayarin sa pagpapagamot sa mga ospital kasabay ang pagtiyak na may ospital na gagamot sa kanila dito mismo sa lungsod, ayon kay City Mayor Joseph Evangelista.
P100,000 para sa mga low-income o indigents hanggang sa middle income at P50,000 naman para sa mga upper income patients ang babayaran ng City Government sa pagpapagamot sa mga nagka Covid19 na ipinasok sa mga pribadong ospital ng lungsod.
Bahagi naman ito ng One Hospital Command System o OHCS na isang partnership ng City Government of Kidapawan at mga private hospitalsl sa lungsod sa paglaban sa Covid19.
Kahapon June 14, 2021, ay lumagda sa isang kasunduan si Mayor Evangelista kasama ang mga Chief of Hospitals ng iba’t ibang pagamutan sa lungsod ng Kidapawan para ipatupad ang pagbibigay ng subsidy para sa pagpapagamot ng mga Kidapawenyong may moderate to severe Covid-19 cases.
Sa ilalim ng nabanggit na kasunduan, sasagutin ng City Government ang bayarin ng mga magkakasakit ng Covid19 sa mga sumusunod na ospital sa lungsod: Kidapawan City Hospital; Kidapawan Doctors Hospital Inc; Kidapawan Midway Hospital Inc; Madonna Medical Center at Kidapawan Medical Specialist Center.
Makakatulong ito ng malaki lalo pa at punuan na ang mga malalaking pagamutan ng Covid19 tulad ng Cotabato Regional Medical Center o CMRC sa Cotabato City at Southern Philippines Medical Center o SPMC sa kasalukuyan.
Sa ngayon, ay nasa 79% na ang utilization rate ng Covid beds sa lungsod, bagay na makukunsiderang high risk ng Department of Health dahilan upang maagap na kumilos ang City Government at ipinatupad ang pagbibigay subsidy sa pagpapa-ospital ng mga magkakasakit ng moderate to severe cases ng Covid19.